Lunes, Agosto 24, 2015

Ang Aking Pilosopiya sa Pagtuturo

MAHALAGA ANG PUSO SA PAGTUTURO
                      wennchubz.blogspot.com

Ang pagtuturo ng isang mahusay  na guro ay hindi nagmula sa aklat ngunit ito’y nagmula sa kaibuturan ng kanyang puso.  Kung ang isang guro ay may puso sa kanyang ginagawa walang mag-aaral ang mababagot sa kanyang klase at walang mag-aaral ang hindi matututo sapagkat gaano man kahina o kalikot ang isang mag-aaral, kung ang gurong nagtuturo ay may pagmamahal sa kanila ay pahahalagahan niya ito.   Ito ang  dahilan kung bakit kahit nasa modernong panahon na ngayon, hindi kailanman mapapalitan ng modernong teknolohiya ang guro.  Wika nga ni William Ayers “Good teaching is not a matter of specific techniques, plan or a style, teaching primarily is a matter of love.

Mahalagang kilalanin ng guro ang kanyang mga mag-aaral hindi lamang sa kanilang pangalan kundi kahit sa kanilang pinagdaanan upang mas higit silang maiintindihan .  Marami sa mga mag-aaral ngayon na kahit sa murang edad ay may mga hindi magandang karanasan o pinagdaanan sa buhay  na nakaaapekto sa kanilang pag-uugali at pag-aaral na siya ring dahilan upang sila’y agad mahusgahan. Dahil dito hindi nagtatapos sa apat na sulok ng siid-aralan lamang, ang obligayon ng guro sa kanyang mga mag-aaral.  Kailangang magkaroon  ang guro ng malalim na pagkilala sa kanyang mga mag-aaral upang hindi lamang niya ito matuturuan, magagabayan pa niya ito sa tamang landas na kanilang tatahakin kahit hindi na niya ito mag-aaral.  Ang simpleng pakikipag-usap sa mga mag-aaral sa kantina, sa pasilyo o kahit saan ay nakatutulong ng malaki upang higit silang makilala at mararamdaman din nila ang iyong pagpapahalaga sa kanila.  Mabilis ang pagkatuto ng mga mag-aaral kong magaan ang kanilang loob sa kanilang guro.  Magiging magaan din ang pakikitungo ng mag-aaral sa guro kung maramdaman niyang hindi lamang siya itinuring na isang estudyante sa halip ay itinuring siya nitong anak, kaibigan o kaya’y kapatid.  Ayon nga sa isang hindi nagpapapakilalang manunulat “ to teach is to touch lives forever.”

            Ang guro ang tagapagdukal ng karunungan, ang tagahasik ng kaalaman at tagapagpanday ng magandang kinabukasan.  Obligasyon ng guro na ang bawat bata o mag-aaral sa kanyang klase ay kanyang matuturuan at magagabayan sapagkat ang pagiging guro ay hindi lamang isang propesyon bagkus ito’y isang misyon at bokasyon.  Malaki ang maiaambag ng guro sa magiging kinabukasan ng kanyang mga mag-aaral. Wika nga  ni Henry Brooks Adams “ A teacher affects eternity; he can never tell where his influence stops”.

Hindi masusukat ang husay at kadakilaan ng isang guro sa bilang ng parangal na kanyang natanggap at sa bilang ng kanyang mga matatalinong mag-aaral subalit sa bilang ng mga mag-aaral na kanyang nabago at natulungang magkaroon ng positibong pananaw sa buhay.  Nararapat nag awing sentro ng bawat guro ang Panginoon sa kanyang pagtutuo.


Bilang isang simpleng guro, ito ang aking pilosopiya sa pagtuturo na umaakay sa akin upang mas kilalanin ang bawat mag-aaral na aking nakasalamuha, hahabaan ang aking pasensya sa kabila ng kanilang kakulitan, uunawain at gagabayan sila  sa kanilang pagkakamali at gawing buhay na buhay at makabuluhan ang aking klase sa oras ng talakayan.   

2 komento:

Wenn ayon kay ...

Sa aking muling pagbasa sa post na ito napansin ko ang ilang typo error. Ito po ang tama...
Ang obligasyon ng guro (hindi obligayon)
Mabilis ang pagkatuto ng mag-aaral kung (hindi kong)
Nararapat na gawing sentro (hindi nag awing)
Maraming salamat

Unknown ayon kay ...

Don't mind the typo errors, I love the thought of this post. ❤️